Sa Isang Salita: 'Now Na!" ni Msgr. Noel
01 July 2024
 
Mamaya! Bukas na! Saka na! Naging gawi na nating mga Pilipino ang ipagpaliban ang mga takdang gawain. Sa kaaantala natin sa mga bagay na dapat gawin, maraming trabaho ang di natatapos. Hindi iilang pagkakataon ang nasasayang. Maraming panahon ang lumilipas nang walang saysay.

Sa ebanghelyo, ipinaalaala ni Hesus na may isang bagay na di pwedeng ipagpabukas: ang pagtugon sa kanyang tawag. Bakit? Sapagkat ang pagtawag ng Diyos ay espesyal na sandali ng biyaya. Kapag di natin ito tinugon, maaaring di natin marinig muli. O kung marinig man nating muli, baka may iba na tayong prioridad sa araw ng bukas. Nakapanghihinayang ang pagpapalang nawala.

Ang sabi ni Hesus sa isang nagnanais sumunod sa kanya: "Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.” Walang dapat maging hadlang sa pagtugon sa tawag ng Diyos kahit na ang inaakala nating pinakamabigat na dahilan.

Araw-araw, inaanyayahan tayo ng Diyos upang tahakin ang mas mataas na antas ng paglilingkod. Walang oras na dapat aksayahin. Dagli tayong tumugon. Now na!

*Lunes sa Ikalabing-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN